|
Sa Ugoy ng Duyan
By: Querobin Quejado
Nabuwisit talaga ako sa prof ko sa major! Hindi lang naman kasi ako nakikinig sa sinasabi niya dahil di ko nga maintindihan, bigla na lang akong pinalabas ng walang-hiyang guro! Haay!!! Nagpapasalamat nga ako’t narito na ako sa bahay eh. Tinungo ko agad ang aking kuwarto para magpalit ng damit. Inilapag ko ang aking bag at dumiretso agad ako sa salas para manuod ng paborito kong palabas, Hanna-Kimi. Kinuha ko ang remote control at sinwitch on ko agad ang telebisyon.
Prenteng-prente akong nakaupo sa malambot na sofa nang marinig ko ang pagak na boses ng aking ina at sabay sabing, “Anak ko, bumili ka nga muna ng paminta na gagamitin ko sa adobo, ulam natin mamaya.” Ngunit hindi ko man lang pinansin ang utos niya at siyempre, aliw na aliw ako sa kilig moments ng mga tauhan sa Hanna-Kimi. Sa sitwasyung iyun, maski mga yabag ni Ina papalapit sa kinauupuan ko ay hindi ko napansin at saka ko lamang napuna nang muli siyang nagsalita. Kapag kinukulit ako para utusan, saka ako naiinis. Nakakatam naman kasi talaga.
“’Maya na lang po, Ma, tapusin ko lang ‘tong pinapanuod ko please!”, sabi ko nang nasa kusina na ulit ang aking ina. Enjoy lang ako sa panunuod kasi wala nang gagambala sa akin sa wakas.
Ngunit nasa kalagitnaan na ang Hanna-Kimi na aking pinapanuod, bigla na lang lumipat ng channel ang TV. Pinakialaman pala ng bunso kong kapatid ang remote kaya biglang naglaho ang palabas na pinapanuod ko.
“Akin na nga ‘yan, ‘kita mong nanunuod yung tao eh tapos bigla mo na lang ililipat? Akin na ‘yan sabi eh!”, sabi kong pasigaw sabay hablot sa remote na kanyang tangan. Nagulat ako dahil bigla na lang siyang umiyak,HINDI KO PA NAMAN SINASAKTAN. Patakbong lumapit ang aming ina sa amin para malaman ang dahilan ng pag-iyak ng aking kapatid. Nagsumbong naman agad siya at ako naman ay muling nakatanggap ng sermon at pangaral mula sa aking ina.
Pero bakit? Sa kabila ng ginawa ng aking nakababatang kapatid, bakit ako pa? Ako na naman ba ang mali at ako ang pinagalitan? Sobra na! Pumasok ako sa kuwarto at doo’y nagmukmok – at umiyak. Maraming tanong ang isinisigaw ng aking puso’t isipan.
Ngunit bakit ganito ang nangyayari sa akin? Bakit ko na lamang nakikita ang aking sarili papalayo sa aking katawan? Patay na ba ako? Hindi ako maaaring magkamali! Katawan ko yun! Diyos ko, parusa Mo ba ito sa akin, ha? Bakit? Nakapagtataka! Patay na nga ba talaga ako? Bakit pareho kaming nasisilaw ng aking katawan? Ramdam kong buhay pa rin ako. Nasisilaw ako sa liwanag na aking nakikita. Bakit ganito? Hindi ko na talaga mapigilan ang paglayo ko sa aking katawan. Lalo lamang akong naintriga sa liwanag nay un kaya pilit ko itong inaabot ngunit di ko maabot. Ano ba’ng meron sa liwanag na ito? Gusto kong bumalik sa katawan ko! Diyos ko, tulungan Mo ako!
Hanggang sa ang kinatitigan kong katawan ay biglang naglaho na parang bula. Ngunit bakit ako naririto sa loob ng bula? Bakit ang bulang kinalalagyan ko ay yari sa salamin? Salamin pero di man lang ito nababasag ng aking malalakas na bisig? Ako’y lalong labis na nagtaka sa aking napuna. Naramdaman kong lumilipad ang bulang ito. Medyo nasiyahan ako sapagkat dinala ako ng bulang ito sa mga lugar na hindi ko pa nakikita sa tanang buhay ko mula nang ako’y isilang sa mundong ito.
Sa kabila ng ng umaapaw na kasiyahan sa aking puso at namumutawing ngiti sa aking mga labi, bakas pa rin sa aking mga mata ang takot at pangamba, ang alalahaning hindi na makakabalik pa sa aking pagal na katawan. Ang tanging inusal ng aking bibig ay, “Diyos ko!” at sabay pag-iyak ng napakalakas. Naisip kong baka marami na akong nagawang kasalanan kaya ako nagkakaganito. Ngunit napansin kong huminto sa paglipad ang bulang ‘sinasakyan’ ko. Ibig bang sabihin nito malaya na ako?
“Hindi! Nais ko lamang ipakita sa’yo ‘yan”, isang tinig na nagmumula sa malayo ang aking narinig.
“Sino ka? Nasa’n ka?”, tanong kong may halong panginginig ang aking tinig na tila bagang mabubuwal ako sa mga oras na yun.
“Tignan mo ang babaeng iyun, sa may dako pa roon. Hindi ba’t siya ang iyong ina?”
“Ah,oo! Kung sino ka man, maaari ba akong makahiling sa’yo? Kahit isang kahilingan lamang?”, ngunit hindi ‘ata narinig ang aking pagsamo sapagkat wala man lang sumasagot sa aking tanong.
Hello! Nariyan ka pa ba? Hirap na hirap na ‘ko sa pagkakataong yun. Gusto ko na talagang makaalis sa masikip at makipot na bulang iyun. Ganito pala talaga siguro ang nararanasan ng mga preso sa bilangguan. Akin ding napagtantong mahirap pala talaga ang lagay ko. Naaawa rin ako sa kalagayan ng aking ina habang hirap siyang magdala ng kanyang pinamili. Mas lalong nadagdagan ang kaba sa aking dibdib nang matanaw ko ang isang napakalaking truck sa di-kalayuan mula sa kinalalagyan ng aking ina. Nasa bula pa rin ako habang pinagmamasdan ko ang aking inang papatawid sa kabilang ibayo ng lansangan ngunit hnidi ata napansin ni Mama ang… BRRAAAHGGG!!!
“INAAAYYY!!!”
Sumigaw ako ng aking buong makakaya ngunit wala man lang nakarinig ng aking nagsusumamong tinig. Impit na sigaw lamang ang kumawala sa aking bibig. Umiyak ako. Nakonsensiya at napoot sa aking sarili. Pilit kong winawasak ang bulang kinalalagyan ko upang makatakas at tulungan ang aking ina pero wala…wala akong nagawa. Umiyak lang ako ng umiyak habang tinitigan ang kanyang duguang bangkay kaalinsabay ng walang tumutulong sa kanya. Inay!!! Nagwala ako ngunit walang nagawa ang aking pagwawala. Habang patuloy ako sa pag-iyak, pumutok ang bula at nahulog ako. Pinabayaan ko na lamang ang aking sariling mahulog sa bitag. Ito’y isang bitag ng hiwagang hindi ko makakalimutan. Wala na rin naman akong patutunguhan eh. Ang aking mundo’y nawasak na at wala na akong karapatang mabuhay pa sa mundong napakagulo. Dagdag pa nito’y ang aking sariling batbat ng konsensiya at kasalanan, mga pagkukulang na hindi ko napunan para sa aking magulang.
Bigla na lamang akong tumigil sa pag-iyak nang marinig ko ang isang awit na inaawit ng mga anghel sa langit, awit sa saliw ng lira. “Sana’y di magmaliw, ang awit ni Inang mahal, nang munti pang bata sa piling ni Nanay, awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan”.
Hanggang sa tinig na lamang ng isang babaeng pamilyar sa akin ang aking narinig – ang aking ina, umaawit habang inuugoy ang aking duyan. Napnsin ko ang maamong mukha ng aking ina at ang mga matang mapupungay habang hinehele ako. Nakatulog ako sa matamis na pag-awit ng aking pinakakamamahal na ina.
Wala akong kamalay-malay na ang aking inaakalang kaluluwang nakasaksi sa pagpanaw ng aking ina ay siyang nakatulog sa isang matamis na pag-awit.
Paggising ko’y isang babae ulit ang tumambad sa aking malamlam na paningin. Tinampal-tampal ko ang aking sarili kung totoo nga bang buhay ang aking ina. Totoo nga! Isa lang panaginip ang lahat ng nangyari. Niyakap ko ng mahigpit ang aking ina habang nakapikit ang aking mga mata sabay ng pagpatak ng gintong butil sa balikat niya. Panaginip nga iyun! Isang panaginip na maaaring magkatotoo at maaaring ikamatay ng aking konsensiya.
robie_14 has blogged 3
posts
|