Langyang buhay to!
Wala nang saysay ang lahat!
Ito na ang huling gabi ko…
Sa panahong ito hindi ko maiwasan na maramdamang isa akong naglalakbay na ether sa kalye ng Kalaw. Tsong, kasi naman ang dami kong problema talaga! Naknamputsa! Problema sa bahay, sa buhay, at sa pesteng pag-ibig. Tsong, pagod na akong umiyak eh! Pwede ba kausapin mo naman ako. Kanina ka pa kasi walang kibo dyan. Me problema ka rin ba gaya ko? Sige, kung ayaw mo hindi na nga kita pipilitin. Samahan mo na lamang akong uminom dyan para sa huling paglalasing ko. Huli na talaga ito.
Tsong, bilisan natin ng lakad at medyo umaambon na. Baka kasi sipunin tayo. Tsong, maraming salamat ha. Pasensya na kasi naistorbo kita uli. Huwag kang mag-alala, last na last na last na ito at mamaya ilang oras bago magising si Aling Remedios ay wala na ako. Kaya tsong salamat uli at sinamahan mo ako sa celebration ko ngayon kasi makakalaya na ako.
Andito na tayo tsong. Umakyat na tayo sa taas. Mas malalasing tayo pag nasa mas mataas na elevation tayo. Wag mo nang itanong sa akin kung bakit at kung saan ko nalaman yun kasi hindi ko na rin matatandaan kung paano ko ba nalaman iyon. Oo nga pala, hindi ka nga pala kikibo kasi mukhang mas malaki pa ang problema mo sa akin. Halika, dun tayo sa madilim na sulok para makita natin yung mga ibang nag-iinuman.
Darating ba si Casanova? Ang tanga ko talaga. Ilang beses ko bang sasabihin sa sarili na hindi ka nga pala magsasalita. Tingin ko hindi na rin darating si Casanova. Baka may problema rin sya na mas higit pa sa akin. O mas higit pa sa iyo kasi kung ikaw nga wala ka nang ganang magsalita, eh siya pa kaya na ayaw nyang magpakita sa atin. Di bale tsong. Tayo na lang ang mag-inuman. Magpakalasing tayo. Magpakalasing tayo hanggang sa malasing tayo sa sobrang kalasingan.
Nakita mo ba yung GRO na tinawag ko kanina. Type ko sya tsong kahit kasing-idad sya ng ninang ko sa binyag. Tsong, mukhang in-luv na ata uli ako. Tingin mo kaya magugustuhan nya ako. Single naman ako at may trabaho. Tsong, pangako ko sa iyo kapag sinagot nya ako ay iaahon ko sya sa impyernong ito. Ipapasok ko sya sa isang bar sa Malate. Babaguhin ko siya. Sa kanya ko iaalay ang buong buhay ko gaano man ito kawalang kwenta. Pag inibig nya ako ay pakakasalan ko sya sa kahit saang simbahan pwera lang sa Quiapo. Alam mo ba kung bakit? Wag mo na ring itanong sa akin kasi hindi ko rin naman alam ang explanation.
Pero baka iwan din ako ng GRO na iyon kasi lahat naman ng babaeng minahal ko ay iniwan ako. Dapat kasi inunahan ko sya. Ayoko kasi na ako ang iniiwan. Huhuhu! Tsong pasesya na ha. Naalala ko na naman sila. Naalala ko kasi yung mga masasayang araw namin lalo na yung kay Gigi ko. Natatandaan mo ba si Gigi ko? Teka, bakit wala pa rin ang beer natin? Alam mo yang si Gigi ko, minahal ko ng sobra yun tapos iniwan na lang ako ng bigla kasi ayaw nya na. Hindi ko na alam kung saan sya nakatira ngayon. Ewan ko talaga kung saan nagtago yun. Baka nga pito na ang anak nun. Baka nga namundok na iyon kasama ng isang payaso.
Hindi ko alam ang sagot tsong. Puro na lang tanong ang nasa isip ko. Puro tanong. Tanong. Tanong. Tanong. At isang bangin ng tanong. Dami na.
Pre, ayan na pala ang beer. Sa wakas.
Glog! Glog! Glog! Mas masarap nga yung walang yelo, diretso sa bote. Sumasabog sa pagkatao ko ang tama. Ganito talaga pag may problema ako, nawawala ang pakla ang alak.
Sa totoo lang tsong alam ko naman ang solusyon sa problema. Kahit wala ka rito, kaya kong payuhan ang sarili ko. Sasabihin ko lang sa sarili ko na huwag kong sayangin ang buhay ko dahil sa isang walang kwentang babae. Sasabihin ko sa sarili na marami pa dyang iba. Sasabihin ko sa sarili na dapat na akong mag move-on. Tsong, alam ko naman itong lahat eh at alam ko naman na ito ang dapat kong gawin. Pero ang hirap. Sobrang hirap. Madaling sabihin, napakahirap gawin. Sobra.
Kailangan ko lang ng kausap. Kahit siguro hindi na kausap. Kailangan ko lang ng makikinig. Yun bang may mapagsasabihan ako ng sama ng loob ko gaya mo. Para may witness ako kung paano ko tinutungga ang alak na ito nang walang yelo. Para malaman mo na bad tip na bad trip na ako sa buhay ko. Super saturated na ako. Oo, alam ko wala kang pakialam kung miserable man ako ngayon. Akala mo siguro hindi ako nakakahalata. Malas mo lang tsong natagpuan kita pero pasensya na talaga.
Glog! Glog! Glog!
Pati sa bahay ayaw ko nang maglagi. Isang bilyong piso ata ang pagkakautang ko sa pamilya at hanggang ngayon ay hindi pa rin matapos-tapos ang atraso ko sa kanila. Daming problema. Wala na akong pagtataguan tsong eh! Tatakas na lang ako. Tatakas ako sa isang lugar na kahit si Boss Gabriel ay hindi ako makikita. Tatakas ako na kahit ang kahera ng beerhouse na ito ay hindi ako maaabutan. Pero huwag kang mag-alala kasi me laman namang pera ang wallet ko eh. Kasama na dun ang tip ko sa kanila. Kunin na nila ang lahat ng laman ng wallet ko pwera lang yung picture ni Gigi ko. Me sinulat kasi syang dedication sa likod nun. Forever.
Forever daw. Sinungaling sya! Glog! Glog! Walang forever…huhuhu!
Tingnan mo tsong. Iinumin ko ang laman ng isang boteng Red Horse na hawak ko ngayon ng isang lagukan lang. Manood ka lang ha! Glog! Glog! Glog! Glog! Glog!
Okay ba?! Kahit walang yelo, kaya ko na talaga syang tunggain. Ito isa pa! Baka kasi isipin mo na isa lang ang kaya kong diretsuhin. Glog! Glog! Glog! Glog! Glog! Oh ano tsong? Bilib ka na ba? Sayang at wala si Gigi upang makita nya kung ano ang pinagdadanasan ko ngayon. Sayang wala sya rito para makita nya kung gaanong ka-miserable ako ngayon. Sayang! Sayang! Wala pang camera ang celfon ko.
Meron nga pala akong ikukwento sa iyo. Tungkol ito sa kaibigan kong si Frank. Kasama ko si Frank dati sa pakikibaka. Tsong, nai-stroke sya last year at muntik nang matuluyan. Napasobra sa alak at yosi. Sya nga ang masamang impluwensya sa akin kaya sya ang bestfriend ko. Sya ang lagi kong kainuman noon. Sabi nya sa akin dati: “Gilbert, hindi tayo kasama sa kwento ng mundong ito kaya wag mong seseryosohin ang buhay mo.” Tapos tatawa sya ng pagkalakas-lakas. Pero nagbibiro lang si Frank kasi hindi naman sya ganun. Sayang lang at hindi natin makakasama sya ngayon kasi wala na siya. Na-coma siya. Ayoko na nga syang dalawin sa PGH. Ayoko syang makita sa itsura nya ngayon. Hindi na kasi sya si Frank. Hindi na sya yung pinaka-astig na tibak dati sa engineering. Hindi na sya yung dating Frank na binubuhay ng mga matitinik na prinsipyo at paninindigan nya sa buhay. Ibang tao na sya. Katawan na lang nya ang nakahiga sa hospital na iyon. Sana natuluyan na sya noon. Sana nakamit nya na ang kalayaang nais nya. Hindi yung ngayon na para syang isang lantang gulay. Naka-dextrose parati at nakanganga. Isang humihingang manikin na binibihasan ng iba. Walang magawa. Pinapagalaw ayon sa dikta ng nurse. Patuloy na binubuhay para huminga. Para lang huminga. Alam mo kung kaya lang ni Frank na maigalaw ang kamay nya, nakatitiyak ako na aabutin nya kahit isang bread knife sa paligid nya at walang alinlangan nyang itatarak ito sa lalamunan nya. Kasi hindi sa lantang sitwasyon nya ngayon dapat makitlan ng saysay ang isang gaya nya. Hindi sa ganung nakakalunos na sitwasyon. Hindi kailanman.
Tsong, labis akong nakikiramay sa muling pagkabuhay ni Frank. Dapat hindi na lang sya nabuhay uli.
Glog!
Tsong, totoo kayang walang beer sa heaven? Walang beer o walang heaven? Alam ko totoo ang beer na hawak ko, pero yung heaven malabo. Kung meron man, nakahubad nga kaya ang mga anghel dun? Baka isang anghel sa langit ang nakalaan sa akin. Baka hinihintay nya na ako. Duon mamumuhay kami na walang problema. Eh paano kung pati ang anghel na iyon ay iwan din ako at sumama kay Dog? Kay God pala. Haliparot na anghel! Glog! Langyang buhay to.
Ano gusto mong pulutan? Ako na bahala? Okay. Kukuha na lang ako ng kahit ano wag lang sisig. Paborito kasi ni Gigi ang sisig. Kilawing tanigue na lang at saka limang bote pa ng Red Horse. Me lighter ka ba dyan? Wala? Sige kunwari me sindi ang yosi ko. Kunwari meron akong binubugang usok. Kunwari ako ang idol kong si Ace Vergel. Kunwari kasama natin si Gigi ko. Para makita nya na nagyoyosi ako. Para makita nya na miserable ako. Mas miserable pa ata ako sa salitang miserable.
Tsong, alam mo pagod na akong maglasing eh pero kailangan talaga. Halos gabi-gabi na lamang ay tumatakas ako sa problema. Sa mga problemang walang kalunasan, sa mga problemang walang solusyon, sa mga problemang walang sagot at sa mga problemang wala nang katapusan. Tanong, problema, ako. Langyang buhay ito! Ako ata ang tanong at ang problema eh! Bakit ba hindi ko maayos-ayos ang problema ko?
Bakit ayaw nila akong tantanan?
Punyetang buhay to!
Glog!
Ano ba ang gusto nila sa akin? Gusto ba nila akong subukan kung hanggang saan ako? Gusto ba nilang malaman kung sino ang mas matatag sa amin. Eh ilang beses ko na nga sa kanilang sinabi na wala akong laban sa kanila kaya nga andito uli ako at nagpapakalasing. Nagpapakalasing kasi wala akong laban sa kanila. Ang hirap bang unawain nun? Oo, alam ko mas masalimuot ang reason of existence mo kesa sa akin pero sana naman umiling ka man lang kung hindi ka sang-ayon sa mga sinasabi ko. Mas lalo ko kasing nararamdaman na mag-isa ako. Ayokong nararamdaman na mag-isa ako. Tingnan mo pati yung GRO na kanina lang ay kumikindat sa akin ay nasa kandungan na ng nursing student na iyon. Putsa naman! Teka baka naman yung malanding disco ball na nakasabit sa gitna ang kumikindat sa akin?
Naalala mo ba yung si Gigi ko tsong? Siya ang pag-ibig ko. Siya rin ang dahilan kung bakit araw-araw ay iniiba ko ang shout out ko sa Friendster ko. Siya ang buhay ko. Siya rin ang pumatay sa akin. Sa totoo lang, isa na lamang akong lasing na kaluluwa. Pasensya na tsong ah. Wala nang sense pinagsasabi ko. Wala kasing sense ang buhay ko. Mali si Frank, walang sense ang buhay. Kailangan bang me sense ang lahat tsong?
Naririnig mo ba ang pintig ng puso ko? Ang pag-ibig ba ay nasa puso o nasa utak natin? Kasi di ba puro lang muscles ang puso. Paniwala ko sa utak natin pumapana si Kupido. Jungle bolo ang ginamit nya sa akin, hindi pana. At sa aking pakiwari na kung ang pag-ibig nga ay likha ng isipan natin ay kaya rin natin itong kontrolin. Nasa isip lang ang lahat. Kaya dapat akong maglasing para mas makapag-isip ako. Labo. Ano nga ba sinabi ko?
Bakit ba hindi ko matanggap-tanggap na iniwan na ako ni Gigi ko? Bakit ba ayaw kong tanggapin ang katotohanan? Bakit ba pinipilit ko ang sarili na paniwalaan na ang oo ay hindi at ang hindi ay oo. Punyeta naman!
Glog!
Tsong, wag mo na akong titigan nang ganyan. Tsong, mukhang lasing na ata ako. Para na akong si Marshmallow Man. Pakiramdam ko rin lumulutang na sa alak ang utak ko. Lasing na ang isipan ko. Hindi na nito alam kung ano ang iniisip ko. Manhid na ako. Meron na akong tila electromagnetic shield na nakapalibot sa akin at kahit anong isipin ko ay parang bula lang. Pero ang problema ay nasa isip ko. Nasa loob ko. Nakakulong sa loob ng electromagnetic shield kasama ko. Kasama ni Gigi. Kaya mali ang analogy ko. Maling-mali! Pasensya na tsong, lasing na kasi kausap mo. Iihi lang muna ako. Sandali lang ito. Huwag kang aalis.
Teka, tsong lasing ka na rin ba? Bakit hindi pa rin nababawasan yang bote mo? Bakit kulay pula ang ilaw nila sa kubeta?
Pasensya na tsong. Ano ba problema mo? Puro na lang kasi sarili ang iniisip ko. May maitutulong ba ako sa iyo? Ano ang nais mong gawin ko?
Naiinip ka na ba?
Ito na lang tsong. Alam mo kung bakit talaga kita sinama dito?
Kasi ikaw ang totoong solusyon sa problema ko. Solusyon sa buhay ko. Ikaw ang pantapat ko sa Diyos. Hehehe!
Hindi itong paglalasing ko kundi ikaw. Ikaw! Gusto kong ikaw ang sumigaw para sa akin para magkagulo ang mga tao dito. Para maging saksi sila sa kamatayan ko. Para malaman nila na miserable ang naging buhay ko. Para magdatingan ang mga pulis dito. Para magdatingan din ang mga news reporter at makikita nila ang nangyari sa akin. Makikita nila ang ID na suot ko. Ipapalabas sa TV mamaya ang pagpapakamatay ni Gilbert Hozon na isang engineer sa loob ng isang beerhouse sa Kalaw. Sasabihin ng mga makakapunood na napakagago ko. Oo gago ako. Mapapanuod din ni Gigi ang balita. Sana mapanuod nya ang ginawa ko. Sana mapanuod nya…sana…
Pagod na kasi ako… huhuhu!
Isa akong malaking loser. Tsong, lahat naman tayo loser eh. Ang pinagkaiba ko lang sa iba, ako alam ko na. Kayo hindi pa.
Isang bote na lang, tsong. Maraming salamat talaga. Pasensya na kung magkakalat ako dito ha.
Glog! Glog! Glog!
Hindi lang kasi dugo at utak ko ang tatalsik sa sulok na ito.
Glog!
Hindi lang ang punyetang kamatayan ko
Glog!
Hindi lang ang mga punyetang problema ko.
Glog!
Hindi lang ang mga punyetang tanong ko.
Glog!
Hindi lang ang tinungga kong punyetang beer.
Glog! Glog!
At hindi lang ang punyetang balang karga mo ang tatalsik sa punyetang ulo ko… punyetang buhay to!
Hahaha!
Sana…
Sana pati na rin
ang mga punyetang
ala-ala
ni…
About the author:
stiban_graffiti has blogged 9
posts
Write a comment