Marahil, kung meron mang isang linya na talagang tumatak sa aking isipan at mahirap makalimutan - ito ay mula sa akdang isinulat ni Celia.
Gaya ng dati, hindi pa rin nagbabago ang dahilan ko kung bakit ako nagsulat noon at kung bakit ako muling nagsusulat ngayon matapos ang limang taong pagiging isang android. Nagsusulat ako kasi dito ko lang nailalabas ang lahat ng santimong nag-aamok sa lubak-lubak na iskinita ng isipan ko.
Dahil din sa wala akong makausap kaya ako nagsusulat. Napakadalang kasing me matatagpuan kang nilalang na hindi apektado sa buhay ni Kris Aquino at yung me interes sa mga bagay na hindi madalas napag-uusapan. Puro kababawan at mga walang katuturang kwento ang maaasahan mo sa mga akademistang kaklase, sa mga kasamahan sa trabaho, at sa lahat ng nakakasalubong mo sa kalye. Pakiwari ko tuloy minsan ay parang umaatras ang evolution process ko at kapag nagpatuloy pa ang ganitong sitwasyon ay marahil, pagkalipas ng 10 years ay isa na lamang akong naglalakad na plankton.
Kung ano kasi ang binabalita sa telebisyon at dyaryo, ito lang ang pinag-uusapan ng masa – bukod sa tsismisan sa barangay. Balita sa pulitika at sa showbiz na ang tanging dahilan lamang ay para manlinlang ng tao. Karamihan sa mga balitang naririnig at napapanuod natin ay ginawa lang para magkaroon sila ng magandang rating, me gimik at me nililikhang senaryo, at upang ihanda ang isipan ng masa para sa evil deeds na binabalak nilang gawin. Puro commercial ads na lang ang lahat.
At sa trabaho, sa katotohanang wala ka nang aatupagin kundi ang araw-araw na magsaksak ng time card sa bundy clock upang i-prove lang ang existence mo. Hello?! At yung trabaho mo na mas challenging pa ata ang magbalat ng butong-pakwan. Andyan pa yung lagi kang ngingiti sa boss mong alien at sa mga kasamahan mo sa opisina na mas ‘ungas’ pa sa medyas mo. Yung makikibagay ka sa mga malalabnaw na kwentuhan ng ibang Pinoy para di ka ma-out of place at mapanisan ng laway pag-uwi. At yung bang maghahanap ka pa ng taong makikinig sa mga kulot mong tanong at sa mga balbon mong pananaw na hindi ka pagtatawanan o iisnabin o lalayasan o ipagdarasal o sasabihan ka na isa kang anti-Christ o nasisiraan ka na ng ulo o yung sasabihan ka ng isang HRD manager na baka magtatag ka lang ng isang unyon dahil sa sineryoso mo ang pagsagot sa kaniyang psychological exam.
Kaya nga mas mainam na ibuga na lang ang lahat ng iyong mga kahiwagaan sa pagsusulat. Kung paanong na-engganyo ako para magsulat noong nasa Adamson pa ako na may mga isyu pala na mas higit pa sa aking pagiging simpleng estudyante noon at may mga bagay pa na higit pa sa Vision-Mission na inilatag sa iyo ng Adamson. Ang eksena noon at ang eksena ngayon ay walang pinagbago sa kulay maliban lamang sa katotohanang mas malawak at mas nakakalason na ang mundo, mas marami nang isyu - di lang sa magigiting na OSA at AUSG. At wala na ang tinimbang at affordable na sisigsilog na may gravy.
Sa pagsusulat din ay makakalikha ka ng mundo, ng iyong dimensyon, at ng iyong lokasyon sa kalawakan. Dito, ikaw ang bida at ang kontrabida, ikaw ang anghel at ang demonyo, ikaw ang prinsepe at ang natutulog na prinsesa, ikaw si Joma at si Gloria, ikaw ang rapist at ang rape victim, ikaw si Panday at si Lizardo, at ikaw ang tanong at ang sagot. At kaya mong i-fast forward ang panahon, lumikha ng wormhole, gawing four sides ang triangle, lumunok ng atomic bomb, at higit sa lahat, pwedeng ikaw ang maging number 1 porno star sa mundo at si Mai Hagiwara o si Sora Aoi ang next na ka-partner mo. O silang pareho.
At sa iyong lampara, makakalikha ka ng simula at ng wakas.
At ng panibagong simula uli.
Tags: Adamson+Chronicle, Adamsonian, Adamson+University
About the author:
stiban_graffiti has blogged 9
posts
Write a comment