Hindi ko alam kung ano ang mas masarap gawin. Ang isulat ang mga walang kabuluhang naiisip ko o hayaan lang na titigan ang mga ito sa pagitan ng aking mga mata. Parang tatlong pulgada lang mula sa aking noo ang distansya ng blankong kawalang ito na wala naman talagang saysay at anyo para sa akin. Pero ang existence nito ang umuubos sa mabagal na mabilis na takbo ng oras ko.
Hanggang ngayon, mas malubha pa nga siguro sa isang schizophrenic at sa isang taong bangag at tulala ang kalagayan ko sa mga sandaling na ito. Mas mainam pa nga sila minsan kasi nabibigyan nila ng katauhan at pangalan ang mga nililikha ng isipan nila pero para sa akin, kahit isang butil na anyo ay wala akong maturan.
Kahit na mag-ubos pa siguro ako ng isang tangkeng yogurt sa kakaisip sa blankong kawalan na ito ay mauuwi lang ako sa estadong pinagmulan ko. Alam ko madalas blangko ang isip ko, yung walang maisip pero nag-iisip ng wala - ginugulo ako ng kawalan. Kaya nga marahil mas masarap pa lasingin ko na lamang ang aking sarili sa kakatitig dito kasi hindi ko naman talaga maisusulat ito kasi kahit na tuldok ay wala akong mailalagay. Ewan ko ba. Parang nag-ii-skydiving ang isipan ko parati. Pag tinatanung ako kung ano ang iniisip ko, ang prangkang sagot ko ay ‘wala lang’. Ayaw nilang maniwala sa sagot ko at sasabihin nila na baka me problema ako. Ano magagawa ko? Iyon naman kasi talaga ang madalas na iniisip ko. Wala. O kaya, marahil ay naghihintay lang ako sa pagsulpot ng isang bastos na screensaver ni Sora Aoi sa harapan ko.
O kaya, marahil ay tinititigan ko lang ang marahang paghagod ng saglit habang pinapatigil ko ang pagkatunaw nito. O kaya naman ay nais ko lang magpahinga sa kakaisip sa mga bagay na walang kwenta at me kwenta. At siguro nais ko lang na kahit minsan ay maging malaya ako sa mga ito. O kaya rin ay gusto ko lang sigurong makatakas pansamantala sa obligasyon kong mag-isip nang hindi umiinom ng muriatic acid o nagpapakalunod sa panis na katotohanan na lahat ng tao ay mga _________ lamang at ang mundong ito ay isang malaking _________ kagaya ko.
Minsan, pag dinadalaw ako nito upang titigan sya ay nagpapakabingi na lang ako sa mga pinirata kong piniratang MP3. Kahit hindi ko pakinggan ang lyrics ng paborito kong kanta ng Imago ay sapat na sa akin na maramdaman na kahit 245 seconds ay mas pinili ko na magpakaanod kasama ng diwa ni Aia gaya ng isang candy wrapper sa marahas na pag-agos ng tubig habang hindi alintana kung saang bangin ba nito ako itatapon matapos. Pikit-mata ko na lamang uling hahagkan ang malansang mundo tutal wala namang kabuluhang problemahin pa ito.
Inakala ko dati mas masarap makipag-unahan sa mundo kaysa titigan lamang ito mula sa isang sulok. Pero tila ba sa saglit na magawa mo nang maunahan ito, at malampasan ang lahat ng ginawa at nagsulputang problema, at mapagtawanan ang de-pisong masa, at madurhan ang masaklap na kahapon, at mabigyan ng katanungan ang mga sagot mo, at masipa ng ilang kwadrilyong ulit ang mga sandaling pagtakas ay mapapansin mo na wala pala talagang kabuluhan ang lahat ng mga ito. Pagkatapos ng lahat, wala ka nang kabuluhan. Marahil wala ngang kabuluhan ang tunay na kabuluhan ng lahat. Sa takot at lungkot lang naman natin talaga nag-uugat ang saysay ng lahat ng ating ilusyon.
Andito lang naman siguro tayo para pagmasdan ang pagsikat ng araw at ang paglubog nito. Upang pagmasdan ang pagkabigo at pagkasawi ng lahat, ang pagiging ampaw ng tao, ang pagdating ng bago at ang pag-alis ng luma. Bawat paglipas ng saglit ay senyales ng unti-unti nating pagkatalo sa oras.
Alam ko me kahulugan ang mga bagay subalit hindi ko alam ang kahulugan ng kahulugan nito. Ginugulo ko lang ata siguro ang 1 GB (gagobyte) na isipan ko.
Pero hindi ko pa rin alam, madalas hindi ako pinapatulog ng naiisip kong ewan. Bigla na lang na magigising ako mula sa aking pagkakatulog upang lingunin ang hangin, pero kahit ang hangin ay walang kinalaman kasi pakiwari ko nasa vacuum ako o nasa puyo ng isang black hole na bigla na lamang sumusulpot sa sintido ko at nakikihigop rin sa hindi ko naubos na Pepsi. Subukan ko mang bigyan ng anyo ang nilalang na nasa harapan ko sa pagbuga ng usok dito mula sa nahinging yosing hinihithit ko ngayon ay wala ring maitutulong. At gaya ng dati, gaya nung mga nakaraang araw, gaya nung mga nakaraang mental eclipses, eleksyon at dinastiya, kahit usok, kahit imahinasyon, kahit isang patinig ay pawang naduduwag na hubaran ang gumugulo sa akin.
Marahil, siguro, ang blankong kawalan na nakalutang sa harapan ng mga mata ko ngayon ay reflection lamang ng tunay na pagkatao ko. Isang blank space na nabigyan ng obligasyong mabuhay at nakatakda ring mawalan nito upang ibalik din sa tunay nitong anyo. At marahil, sa sandaling iyon, maiintindihan ko na ang lahat-lahat.
At marahil hindi na nga rin talaga.
Last 20 posts by stiban_graffiti
Tags: Adamson Chronicle, Adamsonian, Adamson University
About the author:
stiban_graffiti has blogged 8
posts
Write a comment