Pasado alas-12 na ng tanghali ng matapos akong maligo. MEdyo inaantok pa ako sapagjat kakagaling ko lang sa trabaho kinagabihan. Subalit ang aking antok ay tinalo ng mabilis na pagtibok ng aking puso. Medyo kinakabahan at excited ako sapagkat ngayong araw na ito’y muli kong babalikan ang lugar na matagal ko nang hindi napupuntahan.
Alas 2:30 ng hapon nang makarating ako sa liwasang Bonifacio sa maynila. Ang dating tahimik na lugar ay binuhay ng mga sigaw ng taong naroon. Ang mga palkard at streamer ang nagbigay payong laban sa mataas na sikat ng araw., at ang rebulto ni Bonifacio ang naging saksi sa mga pangyayaring ito. Estudiyante, manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan ang muling nagsama-sama at nagkaisa. Ilang minuto pa ang lumipas, nagsimula ng manawagan ang isa sa mga speaker ng programa upang magmartsa patungong Mendiola.
Alam ng lahat na imposibleng muling makaabot ng mendiola sa higpit ng seguridad na inilatag ng Malakanyang subalit ang pagiging imposible nito ang nagbigay apoy sa mga puso ng mamamayan na naroon noong mga oras na iyon. Pagdating sa tulay papuntang Quiapo, bumilis ang martsa. Ata ng kaninang lakad ay naging takbo. Nagtaasan ang karamihan ng kanilang mga kamao at sabay-sabay na nagsigawan. Mahigit isang taon na akong hindi nakakasama sa rally pero sa totoo lang, hindi ako napagod sa pagtakbo at pagsigaw (medyo sumakit lang yung katawan ko pagkatapos ng rally). Hindi rin pumasok sa isip ko na umuwi na lang at matulog kahit na alam kong may pasok pa ako sa trabaho (medyo nakatulog lang ako ng huminto na kami sa ilalim ng lrt station).
Abot kamay na namin ang mendiola ng kami ay napatigil dahil naharang na ang grupo. At katulad ng dati, pinilit naming makipagnegosasyon para maabot ito. Subalit patuloy na nakipagmatigasan ang mga pulis, hindi nila kami pinatuloy kung kaya’t ipinagpatuloy na lang namin ang programa at protesta sa gitna ng kalsada patungong Mendiola.
Hindi man namin naabot ang Mendiola, subalit umuwi kaming puno ng pag-asa, na balng araw ay muli namin itong mararating katulad ng pag-asang lalaya rin ang bayan natin.
_______
Araw-araw ay puno ng digmaan ang ating mundong ginagalawan. Maging ito man ay pangkalahatan o personal. Totoong may mga bagay na mahirap o imposibleng baguhin, pero naitanong na ba natin sa ating mga sarili, “Sinubukan ko na bang baguhin ang ang mga bagay na alam kong imposibleng makamtan? Ilang beses na ba akong nabigo? Sinubukan ko na bang muli itong baguhin?”
Tandaan natin, ang imposible’y salita lamang. Ikaw, ako, tayo ay hindi.
Write a comment