Counterflow na naman.
Stuck na naman ako sa highway na ito. Araw-araw ko nang binabagtas itong daan na ito pero hindi ko pa rin makuha ang ganda ng counterflow para sa buong sanlibutan. Mabagal ang oras pag naabutan ako ng counterflow, nakakabagot, lalo na pag wala na akong perang pambili ng nilagang itlog, o kaya ng fishcracker kay Boy Kukote o kaya ng tubig o C2 kay Tukmol. Lalo lang akong inaantok sa mga ganoong panahon, pero hindi ko naman magawa sa takot na mawalan ng bag, o kaya dahil sa sobrang init ng tama ng sinag ng araw mula sa nakabukas na bintana ng ordinary bus na lagi kong sinasakyan pauwi. Masarap pa naman sana ang biyahe mula Baclaran papuntang Cavite nang nakasakay sa bus na ganito tuwing madaling araw, yung tipong kakasinag pa lamang ng araw mula sa kalangitan. Malamig ang hangin na sasalubong sa iyong mukha habang nakikinig ng mga lumang kanta ng mga pop bands ng nakaraan: Beatles, Beegees, Bread, Take That, paminsan may mga naliligaw na mga bagong artists (na kuko lang ng mga naunang binanggit) sa radyo ni manong driver, na tiyak na sisira ng serenity ng aking pag-uwi. Pero alam mo ba ang pinakamagandang nagagawa ng pagsakay ko ng ordinary bus tuwing madaling araw? Madalang akong makarinig ng novelty songs ni Lito Camo, o ni Bayani Agbayani, o ng Sexbomb o ni Willie “Wowowee” Revillame.
Tuwing dumadaan ang sinasakyan ko sa may dagat, amoy na amoy ang sangsang at lansa ng mga bulok na isda sa kalsada. Pero hindi iyon naging hadlang sa masarap kong paglalakbay. Sa totoo lang, iyon nga ang hinahanap-hanap ko tuwing umaga, nakasanayan ko na siguro. Parang ginawang isang malaking sipa pabalik sa katotohanan ang amoy na iyon sa akin, para maiwan ko ang responsibilidad ko bilang barker sa lugar kung san lang ito nararapat. Ito ang isa sa mga tagpo na kung saan e hindi ko makakalimutan. Isang stimulus na magpapaalala sa akin ng aking mga struggles bilang isang bata, ang aking mga matataas na convictions ukol sa mga bagay-bagay, yung mga lumang ideya, ang mga “eureka!” moments, mga kanta ng Beatles at mukha ni Ely Buendia at ang mga pangarap na makakiskisan sya ng siko sa loob ng mainit na bus na ito. Para na rin akong nag-bunjee jump sa memory lane tuwing naaamoy ko ang lansa habang umuusad ang bus na sinasakyan ko. Mas malupit pa nga doon paminsan. Minsan para ko nang napatunayan na meron talagang fifth dimension at time warp.
Kaya lang, counterflow nanaman. Naabutan na naman ako.
Kaya lang, counterflow nanaman. Naabutan na naman ako. Stuck. May nagsabi sa akin noon na, “bakit hindi ko gawan ng isang malupit na kwento ang counterflow, tutal lagi ko naman nae-encounter to”. Masarap ang imbitasyon na iyon, pero nga lang, ang problema, hindi ako makakita ng ganda sa counterflow na iyon, hindi ako makaisip ng konsepto para dito. Mainit na nga, nakakaantok pa. Malas ko pa pag wala akong mapaglilibangan (maliban na lang sa pagtingin ko sa mga kapwa ko pasahero, paghahabi ng mga kwento tungkol sa mga hitsura nila, pero paminsan nakakasawa rin yun. Mahirap mag-assess ng tao. Nakakatawa).
Ano nga ba ang ganda sa counterflow na ‘to? Mas naalala ko lang ang mga kanta ni John Lennon e. At ang boses ni Petula Clark, at ni Gilbert O’Sullivan. Marahil, ang counterflow ang magsisilbing bakas ng pag-iisa. “Alone again, naturally”, sabi ni Gilbert O’Sullivan.
Marahil, ang counterflow ang magsisilbing ebidensya na may self-realization ang bawat tao. Marahil, ang counterflow ay magsisilbing isang masarap na memorya para sa mga taong lumilipad ang isip sa huwad na mundo.
O kaya isang salvation camp para sa mga naliligaw at hindi mapakali.
Marahil, sa counterflow na ito dadaan ang Mesiya (sa gitna ng kalsada, sa pagitan ng mga maiinit na makina ng mga sasakyan) na syang Tagapagligtas ng Sanlibutan.
Ano nga kaya ang kagandahan ng counterflow na naaabutan ko palagi?
Last 20 posts by tikgirl
- This quintessence of dust (with apologies to William Shakespeare) - April 29th, 2008
- Is PBB a real social hit that it should be featured? - February 13th, 2008
- As I sway the bush of fire, the fire slaps me back - January 22nd, 2008
- A thimble of thought - December 4th, 2007
- One of the worst exhibitions of insanity - October 10th, 2007
- What used to be… - October 5th, 2007
- Pagmumuni-muni para sa Alaala ni Voltes Five - September 28th, 2007
- Adamson University and my memories - September 27th, 2007
- Rarity - September 24th, 2007
- Isang pagninilaynilay habang sumisinghot ng masansang na hangin sa kahabaan ng coastal road - March 30th, 2007
- Wrapped - March 26th, 2007
- Remembering Voltes Five. In the ruins. - March 26th, 2007
Tags: Adamson University, Adamsonian
About the author:
i am a wandering Jew
tikgirl has blogged 12
posts
Write a comment