Two years na akong graduate sa Adamson at halo halo ang emosyon na nararamdaman ko nang matapos ang graduation ko, galit at saya. Galit dahil may mga prof at kaklase na ginawang impyerno ang buhay ko sa Adamson at saya dahil may mga tao na sa kabila ng impyernong dinanas mo naroon pa rin sila at pinaniwala ka na may langit pa rin sa kalagitnaan ng impyernong tinatamasa mo.
Sa totoo sinumpa kong kakalimutan ko ang pinagmulan ko at di na babalik sa impyernong sumira ng buhay ko ng apat na taon at sinumpa kong ayaw ko na at tama na ang apat na taon na nilagak ko sa Adamson, apat na taon na puno ng galit at pagsisising naniwala ako sa mga taong akala ko mapagkakatiwalaan (alam nila kung sino sila) oo marami akong galit at sama ng loob nang araw ng graduation ko, biktima ng pulitika at biktima ng sistema. Pero naniwala pa rin ako na pagkatapos ng delubyo na yun may mga taong nariyan pa rin at di mawawala sa tabi ko ang mga kaibigan ko.
Sa totoo, tinalikuran ko ang pinagmulan ko at umasang paglabas ko sa mundo di ako makikilala ng mga tao na dito ako nanggaling pero di rin pwede yun kasi kasama ng resume mo at pakilala mo sa trabaho ang pangalan ng school mo, una malungkot kasi maaalala mo lahat ng sama ng loob pero masasanay ka rin na parang “good morning” at “good bye” sa opisina na. Magiging manhid ka rin at masasanay pero sa totoo lang matatanggap mo yun at pag tinanggap mo magiging masaya ka pagkatapos.
Tatlong bagay lang ang natutunan ko sa Adamson at lagi kong binabalikan: una ay ang maging matapang ka sa lahat ng bagay, pangalawa asahan mong may kaibigan kang nariyan para sa iyo, at pangatlo, kahit anong sama nang loob mo sa pangyayari kailangan mong tanggapin ito dahil kung hindi mo haharapin ito habang buhay kang may multong kinatatakutan. Masaya maging Adamsonian sa kabila ng pulitika at mga taong di mo lubos maisip kung bakit ka tinalikuran dahil paglabas mo sa CS gate, ST gate, JP gate o sa SV gate ay may masayang bukas papalabas ng Falcon Walkway o sa kahabaan ng San Marcelino, di mo man nakuha ang nais mo noong nag aaral ka, may mas magandang mangyayari sa buhay mo kasi tinanggap mo ang nangyari sa buhay mo at dun mas tumitibay and pagtitiwala mo sa sarili.
*Alam ko madrama pero totoo di naman lahat ng umalis sa Adamson masaya, ang iba may galit pa rin at “ikinahihiya” ang pinaggalingan nyang paaralan.
About the author:
Proud to be Kapamilya!
sir Kramic has blogged 18
posts
Write a comment